MANILA, Philippines - Iniluklok ng San Beda Red Lions si Adonis Tierra bilang interim coach habang hindi pa nakakapagdesisyon kung muling kukunin ang serbisyo ni NLEX coach Boyet Fernandez o maghahanap ng kapalit.
“No new coach yet but we have an interim coach who will handle the team while the school is in the process of making a decision,” sabi ni San Beda team manager Jude Roque.
Pamamahalaan ni Tierra ang San Beda sa pagsabak nito sa Champions League na nakatakdang simulan ngayong linggo sa Cebu.
Nakipaghiwalay ang Red Lions kay Fernandez, ginagabayan ngayon ang Road Warriors sa PBA, matapos igiya ang San Beda sa record-tying fifth straight title at ika-19 sa kabuuan.
May mga ulat na maaaring kuning muli ng Red Lions si Fernandez para sa kanilang inaasam na pang-anim na sunod na korona para sa susunod na NCAA season.
Nabanggit din ang pangalan ni Batang Gilas head coach Jamike Jarin bilang kapalit ni Fernandez.
Walang naging desisyon sa idinaos na pakikipag-usap ni Fernandez sa mga top San Beda officials at kay top patron at Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan.
Ipinasakamay ni Fernandez kay Pangilinan ang desisyon.
“We would have not won six championships with NLEX (in the D-League) and I wouldn’t have this chance to help San Beda win two championships without boss MVP’s trust,” wika ni Fernandez.
“Whatever he (Pangilinan) wants, I will follow,” dagdag pa nito.