MANILA, Philippines - Hindi nagpapigil ang San Beda Red Lions sa paggawa ng kasaysayan sa 90th NCAA men’s basketball nang walisin nila ang Arellano Chiefs sa 89-70 tagumpay sa Game Two kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagpakawala si Anthony Semerad ng 30 puntos habang ang mga malalaking manlalaro na sina Kyle Pascual, Ola Adeogun at Arthur dela Cruz ay nasa double-digits din para makumpleto ang dominanteng paglalaro sa best-of-three series at ibigay sa Lions ang kanilang ikalimang sunod na titulo at pang-19 sa kabuuan.
Nagbagsak si Semerad ng 12 puntos na kinuha sa 15-foot line para ibigay din sa kanya ang Finals MVP.
Hindi nagpahuli si Pascual, ang natatanging manlalaro sa koponan ni coach Boyet Fernandez na kasama sa limang kampeonato, dahil nagbagsak siya ng siyam sa kanyang 16 puntos sa huling 10 minuto para hindi maramdaman ang ‘di na paggamit kay Adeogun.
“This is my last year and I’m so happy that I wanted to enjoy this moment,” wika ni Pascual na dumaan sa tatlong coaches na kinabilanganan din nina Frankie Lim at Ronnie Magsanoc.
May 15 puntos, 8 rebounds, 3 blocks at 1 assist si Adeogun at walo rito ay kanyang kinamada noong dumikit ang Chiefs sa pito, 48-41, habang si Dela Cruz ay may 12 puntos pa.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil kung wala siya, hindi namin ito maaabot. Salamat din sa San Beda community lalo na kay boss MVP (Manny V. Pangilinan) na siyang sumuporta sa programa. This championship is for the players. They wanted a five-peat, they got it,” wika ni Fernandez.
Ito na ang huling taon ni Fernandez sa koponan dahil babalik na siya sa PBA para pangunahan ang NLEX Road Warriors.
Sa ikalawang yugto lumabas ang laro ng Red Lions at ang tig-dalawang triples nina Semerad at Dan Sara ang nagbigay ng 35-21 bentahe.
Pinakamalaking bentahe sa laro ay 16 puntos pero nagpakita ng senyales ang tropa ni coach Jerry Codiñera na babangon sila sa ikatlong yugto.
Gamit ang ipinagmamalaking pressing defense, nahiritan ng Chiefs ng 11 errors ang San Beda para matapyasan ang kalamangan sa pito, ang huli ay sa 48-41, sa buslo ni Levi Hernandez.
Ngunit nakapag-adjust ang Lions at tumutok ang opensa kay Adeogun na hindi sumablay sa anim na free throws at may matinding dunk.
May posibilidad na dalawang kampeonato ang maiuwi ng San Beda dahil naitabla ng Red Cubs ang best of three series sa juniors division laban sa Mapua Red Robins sa 78-68 tagumpay. (ATan)
San Beda 89-- A. Semerad 30, Pascual 16, Adeogun 15, Dela Cruz 12, Mendoza 6, Sara 6, Amer 4, Koga 0, D. Semerad 0, Tongco 0.
Arellano 70-- Agovida 22, Ciriacruz 15, Jalalon 6, Hernandez 6, Enriquez 6, Holts 6, Pito 3, Salcedo 2, Bangga 2, Ortega 2, Gumaru 0, Nicholls.
Quarterscores: 22-14, 39-25, 63-52, 89-70.