SAN ANTONIO – Umiskor si Jeff Ayres ng 15 points, habang nagdagdag ng14 si rookie Kyle Anderson para tulungan ang Spurs sa 106-99 panalo laban sa Sacramento Kings.
Nalampasan ng San Antonio ang kinabig ni DeMarcus Cousin na 32 points at 11 rebounds sa panig ng Sacramento.
Nag-ambag si Marco Belinelli ng 14 points at naglista si Tony Parker ng 13 points at 5 assists para pamunuan ang Spurs (2-3).
Nagdagdag naman si Rudy Gay ng 18 points para sa Kings (2-4) kasunod ang 15 ni Carl Landry at 14 ni Darren Collison.
Sa Cleveland, nagposte si Kyrie Irving ng 28 points para banderahan ang Cavaliers sa 107-98 panalo laban sa Chicago Bulls.
Ngunit ang tunay na homecoming para sa mga basketball fans ay nang magbalik ang ‘The King’ sa Columbus kasama ang Cavaliers.
Tumanggap si LeBron James ng ovation mula sa sellout crowd na 19,049 sa pregame introductions sa Value City Arena sa OSU campus.
Ipinagpatuloy ni Derrick Rose ang kanyang magandang inilalaro matapos ang torn medial meniscus sa kanang tuhod niya na nagpa-upo sa kanya sa nakaraang season. Nagsalansan si Rose ng 30 points sa loob ng 24 minuto sa panig ng Bulls.
Sa New York, tumipa si reserve guard O.J. Mayo ng team-high 24 points, samantalang may 14 si Giannis Antentokounmpo para sa 120-107 pananaig ng Milwaukee Bucks sa New York Knicks.
Sa iba pang laro, giniba ng Atlanta ang Charlotte sa overtime, 117-114; tinalo ng Brooklyn ang Philadelphia, 99-88; at dinaig ng Dallas ang Memphis, 108-103.