MANILA, Philippines - Nangyari kahapon ang pinapangarap na pagpapakilala ng mga manlalarong aasahan na maghahatid uli ng karangalan sa bansa sa larangan ng volleyball sa Pilipinas.
Sa New World Hotel sa Makati City ginawa ang presentasyon ng 36 manlalaro na bubuo sa women’s at men’s team na susuportahan ng PLDT HOME Fibr sa planong pagsali sa 2015 SEA Games sa Pilipinas.
Walang itulak-kabigin sa mga manlalarong pinili nina national coaches Ramil de Jesus (women) at Odjie Mamon (men) na dumalo sa limang araw na try-outs para makita kung sinu-sino ang mga karapat-dapat na isuot ang Pambansang uniporme at tumanggap ng ayuda sa PLDT na isa sa mga kumpanyang pag-aari ng negosyante at sportsman na si Manny V. Pangilinan.
“This is the rebirth of the glorious day of Philippine volleyball,” deklarasyon ni Philippine Volleyball Federation (PFV) president Karl Chan na sinamahan sa kaganapan ni PFV secretary general at National team director Rustico Camangian at PLDT HOME Fibr manager Maxine Parangan.
All-Star team ang bubuo sa women’s team na sina Alyssa Valdez, Dindin Santiago, Jaja Santiago, Rachel Anne Daquis, Jovelyn Gonzaga, Tina Salak, Mary Jean Balse, Nerrisa Bautista, Rhea Dimaculangan, Kim Fajardo, Ara Galang, Dennise Lazaro, Maika Ortiz, Lizlee Ann Pantonei, Aiza Pontillas, Mika Reyes, Jennylyn Reyes at Honey Royse Tubino.
Tinapik naman sina Alnakran Abadilla, Mark Alfafara, John Vic De Guzman, Pitrus Paolo De Ocampo, Marck Espejo, Kheeno Franco,Reyson Fuentes, Rodolfo Labrador Jr., Jessie Lopez, Jeffrey Malabanan, Vincent Raphael Mangulabnan, Howard Mojica, Sandy Domenick Montero, Raffy Mosuiela, Henry James Pecana, Jayson Ramos, Peter Torres at JP Torres sa kalalakihan.
Ang 2015 SEAG ang kauna-unahang pagsali uli ng bansa sa volleyball matapos ang 2005 at ang women’s team ay umani ng bronze habang 4th place naman ang men’s team. (AT)