Shakey’s V-league season 11th Systema sumalo sa itaas

MANILA, Philippines - Nagpakawala si Salvador Depante ng 26 hits habang si Angelo Espiritu ay may 19 para tulungan ang Systema Active Smashers sa 25-18,22-25, 25-17, 25-22, panalo sa Rizal Technological University Blue Thunders sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference men’s division kagabi sa The Arena sa SanJuan City.

May 42 errors ang Systema pero naisantabi ito ng koponan dahil sa 55-31 bentahe sa attack points. Sina Depante at Espiritu ay may 20 at 18 kills para higitan na ang kabuuang naitala ng Blue Thunders.

Umakyat ang Systema sa 2-1 at nakasalo ang pahingang Instituto Estetico Manila Volley Masters sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Sha­key’s at suportado pa ng Accel at Mikasa.

May limang blocks pa si Depante para itulak ang Systema sa 13-9 bentahe habang umani pa sila ng 5-2 kalamangan sa serve.

Si John Angelo Macal­ma ay may dalawang aces para isama sa kanyang 34 excellent sets.

Bumaba ang RTU sa 1-2 baraha para makasalo ang gaya nilang collegiate squad na FEU Tamaraws.

Tumapos sina Sahud Masahud, Carlo Sebastian at Pathie Jamiri taglay ang 13,11 at 10 puntos at sina Masahud at Laja ay nagpakawala ng tig-10 kills.

Magkakaroon ng pagkakataon ang koponang hawak ni coach Arnold Laniog na lumapit pa sa puwesto sa Finals sa Linggo sa pag-asinta ng panalo sa Tamaraws.

Show comments