MANILA, Philippines - Matutunghayan ng mga volleyball fans ang mga naggagandahang foreign belles na maglalaro bilang imports sa anim na koponan sa women’s division ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics sa pagpapakilala sa kanila sa publiko ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Si Alaina Bergsma, ang Ms. Oregon 2012 at dating Ms. USA finalist, ang tiyak nang magiging crowd drawer para sa Petron Blaze Spikers.
Inihalintulad ang kanyang ganda sa retirado nang si Leila Barros ng Brazil na naglaro sa harap ng mga Filipino fans at nakatulong sa pagsigla ng volleyball sa bansa 10 taon na ang nakararaan.
Si Bergsma ay hindi lamang ganda ang ipapakita dahil siya ang gumiya sa University of Oregon volleyball team at isang All-American NCAA athlete.
Makakatuwang niya si Brazilian Erica Adachi para sa Petron Blaze Spikers na ang ‘never-say-die’ attitude sa court ang humirang sa kanila bilang crowd favorites.
Ang mga bagong koponang Mane and Tail Lady Stallions at Foton Tornadoes ay ipapakilala rin kasama ang mga veteran squads na Cignal, RC Cola at Generika sa pioneering club league na may basbas ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at ng Philippine Volleyball Federation (PVF).
Ang PSL ay isa ring kinikilalang liga ng International Volleyball Federation (FIVB).
Ang bagong tropa sa men’s division na Cavite Patriots ay ipaparada rin katulad ng PLDT-Air Force, Cignal at Maybank.
Magsisimula ang mga labanan sa Philippine Superliga sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ay inorganisa ng SportsCore kasama ang Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Jinling Sports at LGR bilang technical partners.
Ang opening day tickets ay makukuha sa ticketnet (www.ticketnet.com.ph) sa halagang P100 at P200.
Ang mga laro ay isasaere ng Solar Sports, ang official TV partner ng Superliga.