MANILA, Philippines – Hindi magpapahuli ang dalawang bagong koponan sa women’s division at ang isang tropa sa men’s class kontra sa mga veteran squads na sasabak sa imports-laden 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics at magbubukas sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Kakasahan ng Mane and Tail Lady Stallions at ng Foton Tornadoes ang mga veteran teams na Petron, Cignal, RC Cola at Generika sa kanilang paghahangad sa women’s title sa unang pagkakataon sa pioneering club league na may basbas ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at ng Philippine Volleyball Federation (PVF).
Ang PSL ay isang kinikilalang liga ng International Volleyball Federation (FIVB).
Lalaban naman nang sabayan ang Cavite Patriots kontra sa PLDT-Air Force, Cignal at Maybank para sa men’s division crown.
Ang Philippine Superliga, inorganisa ng SportsCore katuwang ang Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Jinling Sports at LGR bilang technical partners, ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga active players na muling makapaglaro bilang suporta sa PVF programs na nasa mandato ng FIVB at ng AVC.
Ang mga opening day tickets ay maaari nang bilhin sa ticketnet (www.ticketnet.com.ph) sa halagang P100 at P200.
Isasaere ang mga laro sa Solar Sports, ang official TV partner ng Superliga, na may temang: “Ito ang Volleyball,” at nangangakong makakapagpakita ng mga kapana-panabik na mga aksyon para sa mga league fans na tumunghay din sa unang apat na komperensya.
Sa opening day ay maghaharap ang Cignal at ang RC Cola sa alas-2 ng hapon kasunod ang laban ng Generika at Petron sa alas-4 matapos ang opening ceremonies na pamamahalaan ni Superliga founder at president Ramon ‘Tats’ Suzara, isa ring dating national junior player.