Pinay belles yuko sa China
MANILA, Philippines – Lumasap ang Pilipinas ng kanilang unang pagkatalo sa 10th Asian Youth Girls Volleyball Championships sa kamay ng China 25-15, 25-18, 25-10, sa pagtatapos ng preliminary round kahapon sa MCC Hall Convention Center sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Sa second set nakalamang ang Pilipinas, 8-6, pero ginamit ng Chinese spikers ang angking height advantage para palamigin ang magandang panimula ng katunggali.
Wala namang epekto ito sa kampanya ng National U-17 team dahil ang nakuhang mga panalo sa Australia at India ang nagtiyak ng puwesto sa quarterfinals.
Pumangalawa ang Pilipinas sa Pool C sa 2-1 at nakasama ang hindi natalong China (3-0) na maglalaro sa Pool E.
Kukumpletuhin ang grupo ng Thailand (2-0) at New Zealand (1-1) na nagmula sa Pool A.
Ang unang dalawang teams sa Pool B at D ay magkakasama sa Pool F at ang mga koponan sa E at F ay sasailalim sa classification round para malaman kung sino ang malalagay sa una hanggang ikaapat na puwesto.
Crossover knockout quarterfinals ang sunod na magaganap sa Oktubre 17 at ang apat na mananalo ay aabante sa semis kinabukasan habang ang Finals ay sa Oktubre 19.
- Latest