MANILA, Philippines – Tinanggap na ni Kobe Paras ang scholarship na inialok ng University of California LA (UCLA) Bruins para makalaro sa US NCAA Division I.
“I have made my decision. I’m really happy to say that I have committed to UCLA!” sabi ni Paras sa kanyang Twitter account na @Im_Not_Kobe.
Dating naglaro para sa La Salle-Greenhills, sumikat ang 17-anyos na si Paras, anak ni PBA Most Valuable Player at Rookie of the Year awardee Benjie Paras, matapos dakdakan si NBA superstar LeBron James sa isang exhibition game sa Manila noong 2012.
Nakamit din niya ang slam dunk title sa FIBA 3X3 under-18 World Championship.
Kamakailan ay nagtungo siya sa US para maglaro sa LA Cathedral High School kung saan niya nakuha ang atensyon ng mga scouts at coaches ng US NCAA I schools.
Ilan sa mga US NCAA teams na nag-alok kay Paras ng scholarship ay ang UC Irvine, Fresno State, Texas Arlington, Arizona State, Portland State at Boston College.
“I see no need to seek out more offers,” dahilan ni Paras sa pagpili sa UCLA.