SENDAI, Japan – Hindi nakayanan ng Manila West ang lakas at malawak na eksperyensa ng Kranj ng Slovenia matapos isuko ang 12-21 kabiguan sa knockout quarterfinals ng FIBA 3x3 World Tour Finals dito sa Xebio Sports Arena.
Tumatayong No. 3 sa torneo, ipinakita ng Slovenians ang kanilang matibay na karanasan para umabante sa semifinal round.
Nagpilit makadikit sina KG Canaleta, Aldrech Ramos, Rey Guevarra at Terrence Romeo sa 12-14 agwat bago nabigong makaiskor sa loob ng 5:13 minuto.
Tumipa si Guevarra, ang Meralco Bolts forward, ng anim na sunod na puntos kasama ang dalawang 2-pointers para pakabahin ang Kranj, ang runnerup sa Lausanne Masters.
Ngunit hindi na nakalapit ang Manila West.
Hindi pa sanay sa international 3x3 game, hindi rin naging pamilyar ang No. 10 Manila West, natalo sa No. 2 Bucharest, 13-15, noong Sabado, sa paggamit ng 10-second shot clock bukod pa sa depensa ng mas malalaki at mas mabibigat na Slovenians.
Pinayukod naman ng Novi Sad, ang No. 1 seed, ang Kranj, 22-13, sa semifinals.
Matapos ito ay pinabagsak ng Novi Sad ang Saskatoon ng Canada, 21-11, sa finals para angkinin ang korona at premyong $20,000.
Nasikwat din ng Novi Sad ang tiket para sa FIBA 3x3 All-Stars sa Doha, Qatar sa Disyembre.
Sa Three-Point Shootout competition ay natalo naman si Romeo kay shooter Dejan Majstorovic ng Novi Sad, 3-7.