CHICAGO -- Tumipa si Glen Rice ng 18 points, habang nagtala si Marcin Gortat ng 13 points at 10 rebounds para igiya ang Washington Wizards sa 85-81 panalo laban sa Chicago Bulls sa kanilang preseason opener.
Nagkaroon ng tulakan sina Chicago center Joakim Noah at Wizards forward Paul Pierce sa larong naging unang laban ni Derrick Rose.
Umiskor si Rose, sumailalim sa dalawang major knee injuries na naglimita sa kanya sa 10 laro sa nakaraang dalawang seasons, ng 11 points sa 14 first-half minutes para sa Bulls.
Hindi na siya naglaro sa second half.
Ang hard foul ni Pierce kay Jimmy Butler ang nagresulta sa kanilang tulakan nila ni Noah bago sila naawat ni Bulls coach Tom Thibodeau.
May 2 points si Pierce sa kanyang unang laro para sa Wizards.
Tumipa si Bradley Beal ng 11 points para sa Washington.
Naglista si Rookie Nikola Mirotic ng 17 points para sa Bulls, nagwakas ang itinayong 12-game preseason winning streak.
Sa San Diego, kumamada si Kobe Bryant ng 13 points at 5 assists sa loob ng 21 minuto para igiya ang Los Angeles Lakers sa 98-95 panalo laban sa Denver Nuggets.
Nagbabalik si Bryant matapos hindi makita sa 76 laro sa nakaraang season, kasama rito ang huling 57 dahil sa isang fractured left knee.
Nagdagdag naman si guard si Steve Nash, nanggaling din sa injuries, ng 11 points at 5 assists, habang may 14 markers si Jordan Clarkson.