MANILA, Philippines - Nangako si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao na maglalaro siya ng ilang minuto para sa una niyang pagsabak bilang isang PBA player.
At alam ni PBA Commissioner Chito Salud na hindi hahayaan ng 35-anyos at 5-foot-6 na si Pacquiao, ang playing coach ng Kia Sorento, na ipahiya ang sarili sa harap ng mga basketball fans.
“Matalino si Manny. He won’t put himself in a position to embarrass himself,” ani Salud kahapon sa paglulunsad ng ika-40 season ng PBA sa Edsa Shangrila Hotel sa Mandaluyong City.
Kaagad na maglalaro ang Kia Sorento ni Pacquiao laban sa Blackwater sa pagbubukas ng 2014 PBA Philippine Cup sa Oktubre 19 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Magtatagpo ang Kia at ang Blackwater sa ganap na alas-3:13 ng hapon kasunod ang banggaan ng Barangay Ginebra at Talk ‘N Text sa alas-5 ng hapon.
Pupuntiryahin ng San Mig Coffee ang kanilang pang-limang Philippine Cup at hangad na maduplika ang rekord na anim ng maalamat na Crispa Redmanizers.
“After winning the PBA Grand Slam, we can’t lower our goal,” sabi ni PBA Board representative Rene Pardo. “We’re looking forward to the Philippine Cup where we gun (championship) No. 5. After that, we’ll chase No. 6 and tie Crispa’s record.”
Natalo ang San Mig Coffee sa lahat ng anim nilang tune-up. (RC)