Bagong Board of Trustees ng PABA
MANILA, Philippines – Nagsama-sama ang mga nagmamalasakit sa baseball para magluklok ng Board of Trustees na bubuo sa bagong Philippine Amateur Baseball Association (PABA).
Umabot sa 21 indibiduwal ang tumugon sa imbitasyon ni PABA chairman Tom Navasero para sa General Assembly meeting kahapon na nagresulta rin sa paghirang ng mga bagong opisyales.
Hindi ito katulad ng nakaraan na sarado ang pintuan sa ibang asosasyon dahil magkakaibang grupo o koponan ang kinatawan ng mga dumalo at ang mga dating nakaupo sa PABA na sina Marty Eizmendi at Navasero ay naunang nagbitiw sa puwesto na siyang nais ng GA.
Hindi dumalo si Eizmendi at wala ring kinatawan ang POC at si Navasero ay hindi tumanggap ng puwesto.
Ang mga pinangalanan sa 12-board seat ay sina Atty. Felipe “Ping” Remollo, Ely Baradas, Martin Cojuangco, Pepe Muñoz, Rich Cruz, Vince Allimurong, Raul Saberon, Norman Macasaet, Kunifuni Itakura, Roselito Bernardo, Atty. Mel Gecolea at Atty. Chuck Guinto.
Sa Sabado ay magpupulong ang grupo para desisyunan kung paano maipapasok ang ibang baseball groups na hindi dumalo katulad ng UAAP at AFP bukod sa pagluklok ng mauupong pangulo, chairman at isa pang opisyal ng PABA.
Ang Pilipinas ang tatayong punong-abala sa East Asia Baseball Championship na nakakalendaryo sa huling linggo ng Nobyembre.
- Latest