MANILA, Philippines – Sa ikatlong pagkakataon sa Season 90 ay si Earl Scottie Thompson ng Perpetual Help ang kinilala bilang NCAA Press Corps Player of the Week matapos ang dalawang magagandang panalo para makatiyak na ng playoff ticket sa Final Four ng men’s basketball tournament.
Ang husay sa pagpuntos ang tampok na ipinakita ni Thompson, partikular na sa laro laban sa San Sebastian Stags na nagbigay ng ika-12 panalo sa Altas matapos ang 18 laro para manatiling palaban sa puwesto sa semifinals.
Gumawa si Thompson ng 23 points sa second half patungo sa nangungunang 29 puntos.
May 11 siya sa huling yugto para tabunan ang naunang 33-47 iskor para angkinin ang 92-76 panalo.
Bago ito ay gumawa muna ang 21-anyos na tubong Digos City, Davao del Sur ng 20 points, 12 rebounds at 8 assists sa 65-62 panalo laban sa St. Benilde Blazers.
“Wala akong masasabi sa kanya dahil talagang binitbit niya kami,” wika ni Perpetual head coach Aric del Rosario.
Ito na ang ikatlong weekly citation ni Thompson mula sa mga mamamahayag at online writers na kumokober ng liga para lalong patatagin ang paghahabol sa MVP award.
“Hindi individual award ang habol ko kaya nagsisikap ako. Gusto kong tulungan ang team na makapasok sa Final Four at sana hanggang Finals,” pahayag ni Thompson na may isang taon pang maglalaro sa liga.
Ang mga kakamping sina Harold Arboleda at Juneric Baloria ay nakitaan din ng magandang paglalaro bukod pa kina Dioncee Holts ng Arellano Chiefs at Ford Ruaya ng Letran.
Pero ang impresibong magkasunod na ipinakita ni Thompson sa mga krusyal na labanan ay sapat na para siya ang parangalan sa nagdaang linggong aksyon.