Pacquiao tiwala sa kakayahan ng Kia
MANILA, Philippines – Sa kabila ng kanilang 77-88 kabiguan sa Blackwater sa pre-season game noong Sabado sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna ay optimistiko pa rin si playing coach Manny Pacquiao sa ipapakita ng Kia Sorento sa 40th season ng PBA.
“Ine-expect natin na makapasok tayo, kahit na semi-finals lang,” sabi ni Pacquiao sa Kia na kaagad isasalang kontra sa Blackwater sa pagbubukas ng 2014 PBA Philippine Cup sa Oktubre 19 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Naglaro ang Filipino world eight-division champion sa loob ng 10 minuto at 24 segundo sa nasabing pre-season match laban sa Elite ni mentor Leo Isaac.
Nagtala ang 5-foot-6 na si Pacquiao ng 1 point, 1 rebound at 2 turnovers para sa kanyang unang official game bilang isang PBA player.
Ang 35-anyos na si Pacquiao ang naging pinakamatandang rookie sa PBA matapos hirangin ng Kia bilang No. 11 overtall pick sa nakaraang PBA Rookie Draft.
Ipinasok ni Pacquiao ang kanyang sarili sa laro sa 9:45 minuto ng second period.
Kasalukuyang abala ang Sarangani Congressman sa kanyang training camp sa General Santos City para sa kanilang world welterweight championship fight ni American challenger Chris Algieri.
Lalabanan ni Pacquiao ang 5’10 na si Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Tinalo naman ng NLEX ang Grand Slam champions na San Mig Coffee, 84-81, sa isa pang pre-season game.
Sa Panabo City, Davao del Norte, tinalo ng Meralco ang Ginebra, 91-79.
Blackwater 88- Nuyles 18, Salvacion 15, Cawaling 12, Menor 7, Laure 6, Heruela 4, Austria 4, Faundo 4, Erram 4, Gamalinda 4, Timberlake 2, Celiz 2, Llagas 2, Artadi 2, Ballesteros 2.
Kia 77- Cervantes 23, Alonzo 10, Thiele 9, Lingganay 8, Raymundo 6, Alvarez 5, Revilla 4, Bagatsing 3, Ighalo 2, Sanga 2, Padilla 2, Burtscher 2, Pacquiao 1, Saldua 0.
Quarterscores: 22-20; 42-40; 72-58; 88-77.
- Latest