Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
4 p.m. IEM vs Systema (men’s)
6 p.m. Army vs Meralco (women’s)
MANILA, Philippines - Masisilayan ang bagong lakas ng Army Lady Troopers sa pagharap sa Meralco Power Spikers sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Walang mga imports ang Open Conference champion na Lady Troopers pero paborito pa rin ang koponan na makapagdomina sa ikatlong conference ng ligang inorganisa ng Sports Vision dahil sa paglalaro ni 6-foot-2 Dindin Santiago.
Ang pagpasok ni Santiago ay nagpatatag sa solidong line-up ng tropa ni coach Rico de Guzman dahil maglalaro pa rin ang mga matitikas na sina Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse, Nerissa Bautista at setter Tina Salak.
Ang dating kasamahan ni Santiago sa National University na si Carmina Aganon ay nasa Army na rin para magkaroon ng malakas na pamalit ang koponan.
Hinugot ng Power Spikers sina dating La Salle players Abigail Marano, Stephanie Mercado at Maureen Penetrante-Ouano upang isama sa dalawang imports na sina Wanida Kotruang ng Thailand at Misao Tanyama ng Japan.
Pahinga sa unang araw ng laro sa ligang may ayuda ng Accel at Mikasa ang Cagayan Valley Lady Rising Suns at PLDT Home Telpad Turbo Boosters.
Ang aksyon ay magsisimula matapos ang kauna-unahang tagisan sa men’s division sa hanay ng IEM at Systema sa ganap na alas-4 ng hapon.
Kasali rin sa kalalakihan ang FEU at Rizal Technological University.
Ang format sa dalawang dibisyon ay double round elimination at ang mangungunang dalawang koponan ang magtutuos sa titulo at ang ikatlong puwesto ay paglalabanan ng dalawang mahuhuling koponan. (ATan)