Arevalo minalas sa bronze medal sa karatedo event
INCHEON, Korea -- Hindi umubra ang kaalaman ng baguhang si Gay Mabel Arevalo laban sa SEA Games silver medalist na si Sru Nita Sari Sukatendel ng Indonesia para mamaalam kaagad sa women’s -50kg. kumite sa 0-8 iskor kahapon sa 17th Asian Games sa Gyeyang gymnasium dito.
Natapos na ang kampanya ng Pilipinas sa maagang pagyuko ng 20-anyos na baguhang si Arevalo para makuntento ang anim na karatekas sa isang bronze medal na ibinigay ni Mae Soriano sa women’s -55kg. division.
Bunga nito ay nakuntento ang 150-Pambansang atleta sa isang ginto, tatlong pilak at 11 tansong medalya.
Ang 15 medalya ay nagmula sa anim na sports mula sa 25 sports na sinalihan ng Pilipinas.
Nanguna sa naghatid ng karangalan sa Pilipinas ay ang cycling nang magwagi si Fil-Am Daniel Caluag sa BMX event.
Ang wushu ay naghatid ng dalawang silver at isang bronze, ang boxing ay may isang silver at tatlong bronze, ang taekwondo ay may limang bronze at ang archery ay may isang bronze na naibigay.
Lumabas na kampeon sa karate ang bansang pinagmulan ng contact sport, ang Japan, na may tatlong ginto, isang pilak at tatlong tansong medalya, habang ang isa pang malakas ay ang Iran na pumangalawa bitbit din ang tatlong ginto at dalawang tanso.
Ang Malaysia ang pinakamahusay sa hanay ng Southeast Asia na sumali sa dalawang ginto at dalawang tanso para pumang-apat sa pangkalahatan kasunod ng Kazakhstan na may 2-3-1 medal count. (BRMeraña)
- Latest