INCHEON, South Korea -- Binigyan ng Gilas Pilipinas ng magandang pamamaalam ang nakakadismayang kampanya sa men’s basketball mula sa pagtarak ng 84-68 panalo sa Mongolia kahapon sa 17th Asian Games sa Hwaseong Sports Complex gymnasium dito.
Nagtrabaho ang koponan mula sa ikalawang yugto nang hawakan ang 20-9 palitan at ang 18-21 iskor sa pagtatapos ng unang yugto upang palawigin sa walong puntos ang abante, 38-30, sa halftime.
Nagposte si Ranidel de Ocampo ng 25 puntos, 11 rebounds, 7 assists, 2 steals at isang block sa 32 minutong paglalaro, habang sina LA Tenorio, Gabe Norwood at June Mar Fajardo ay tumapos taglay ang tig-11 puntos para tapusin ng Pambansang koponan ang kampanya sa ika-pitong puwesto.
Humablot si Fajardo ng 12 rebounds para tulungan ang Pilipinas sa 47-36 kalamangan sa rebounding kahit pinaglaro lamang ng pitong minuto si naturalized center Marcus Douthit.
Ito ang ikatlong panalo sa pitong laro ng Pilipinas sa kompetisyon na siyang pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng paglalaro ng basketball sa Asian Games.
Ang dating pinakamasamang puwesto ng Pilipinas ay sa ikaanim na posisyon na nangyari noong 1996 sa Bangkok, Thailand at noong 2010 sa Guangzhou China.
Pilipinas 84 – De Ocampo 25, Tenorio 11, Norwood 11, Fajardo 11, Chan 8, David 8, Aguilar 7, Dillinger 3, Douthit 0, Lee 0.
Mongolia 68 – Battuvshin 18, Tungalag 15, Otgonbaatar 11, Shinen 11, Ganbold 6, Davaasambuu 4, Oyuntsetseg 3, Munkhbayar 0, Munkhtur 0, Tserendagva 0.
Quarterscores: 18-21; 38-30; 63-55; 84-68.