INCHEON, South Korea -- Inaasahang gagawing motibasyon ng nalalabing apat na Pinoy boxers ang unang gintong medalya na ibinigay ni BMX rider Daniel Clauag sa kanilang pagsabak sa aksyon sa semifinal round ng boxing competition sa 17th Asian Games sa Seonhak Gymnasium dito.
Matapos ang isang araw na pahinga ay magbabalik sa ibabaw ng lona sina Mark Anthony Barriga, Charly Suarez, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez na taglay ang matinding determinasyon na malampasan ang naitala ng koponan na tig-isang ginto, pilak at tansong medalya sa 2010 Guangzhou Asiad sa China.
Unang sasalang sa aksyon si Suarez, ang gold medalist sa 2011 Indonesia Southeast Asian Games at naglaro ng tournament sa India kung saan kinatawan ang Italy sa World Series of Boxing, laban kay Mohammad Obada Alhasbeh ng Jordan sa 60kg. division
“Ito na lang ang kailangan namin na malampasan. Makatalon lang kami ng semifinals, pwede na naming isugal lahat para manalo lang kaming lahat ng ginto,” wika ni coach Nolito Velasco. “Kapag nakuha namin itong apat na laban na ito, all out na ito para gold medals. Go for golds tayo.”
Mabigat ang susuunging laban ng Olympian na si Barriga na makikipagpalitan ng suntok sa pambato ng host country na si Jong Hun Shin sa 49kg. division.
Nakasentro naman ang atensyon ng coaching staff kay Barriga dahil palaging pinapaboran ang mga hometown bet na manalo sa kanilang mga nakasagupa sa kompetisyon.
“Mahirap na, kailangan dito laban kung laban,” dagdag pa ni Velasco.
“Handa naman ako. Sa boksing naman pantay lang ang laban sa ring,” sabi naman ni Barriga sa pagharap niya kay Shin.
Haharapin ni Fernandez si Jiaweil Zhang, silver medalist noong 2010 Asiad, ng China sa 56kgs class at makikipagbasagan ng mukha si Lopez, silver medalist noong 2013 Myanmar Sea Games si Riyad Adel Alhindawi ng Jordan sa 75kgs class.
Kumpiyansa si PSC chairman Richie Garcia, siya ring Chief of Mission, na makakasikwat ng ginto ang mga boxers.
“Boxing is a source of medal in international competitions. I am positive and optimistic they will live up to expectation. Let’s pray for their success,” ani Garcia.