Appleton, Boyes nagkampeon sa 2014 World Cup

MANILA, Philippines - Gumawa ng kasaysa­yan sina Darren Appleton at Karl Boyes nang maghari sa 2014 World Cup of Pool mula sa mahigpitang 10-9 panalo kon­tra kina Nick van den Berg at Niels Feijen ng Holland sa pagtatapos ng kom­petisyon noong Linggo sa Mounthbatten Centre, Portsmouth, Great Britain.

Sinandalan ng dalawa na kumatawan sa England A team ang suporta ng mga manonood para ma­kahugot ng dagdag na lakas upang makabangon mula sa  3-6 at 7-9 iskor sa race-to-10 finals.

Halos malaglag sa upu­an ang mga panatiko ng home team matapos ma-scratch ang cue ball sa sar­go ni Appleton.

Pero bumalik sa mesa si­na Appleton at Boyes ma­tapos ang sablay ni Feijen sa 8-ball.

Nanlumo muli ang mga manonood nang sablay din sa 8-ball si Boyes pero na­buhayan naman dahil ma­sama ang pa-bandang tira ni Van den Berg.

Libre na ang 8-ball na ma­­daling naipasok ni Appleton bago isinunod ang 9-ball patungo sa panalo.

Bukod sa $60,000.00 premyo ay sina Appleton at Boyes ang ikalawang home team pa lamang na na­nalo sa kompetisyon.

Ang unang nakapagta­la nito ay sina Filipino billiards legends Efren “Bata”  Re­yes at Francisco “Django” Bus­tamante noong 2009 sa SM North.

 

Show comments