Taekwondo jins asam ang medalya

INCHEON, Korea -- Kumpiyansa ang apat na Pinoy jins  na maiaangat nila ang lumalaylay na kampanya ng Pilipinas sa pagsabak sa aksyon sa taekwondo event ng 17th Asian Games sa Ganghwa Dolmens Gymnasium dito.

Babandera si Samuel Thomas Harper Morrison, silver medalist sa World University, kontra kay Wong Soi Chun ng Macau sa  round-of-32 ng men’s 74kg. class.

Bukod sa Fil-Am na tubong Olongapo City ay naka­takda ring lumaban sina Luisa Ronna Ilao, Abigail Cham at Kristhoper Robert Uy.

Makikipagsipaan sa round-of-16 si Ilao kay Doan Thi Huong Giang ng Vietnam sa women’s 49kg, habang ma­kakasukatan ni Cham si Phongsi Sarita ng Thailand sa women’s 53kg. at mapapalaban si Uy kay Hao Chao ng Macau sa round-of-32 ng men’s 74kg.

Nananalig ang executive director ng PTA na si Sung Chon Hung na makakapag-uwi ng medalya ang kanyang mga jins na sasabak sa giyera na armado ng malawak na karanasang nakuha sa kanilang pagsasanay sa labas ng bansa.

Maging si Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Garcia ay kumpiyansang mahihigitan ng mga jins ang ka­nilang naiuwing apat na tanso sa nakaraang Asian Games sa Guanzhou, China dahil sa kanilang pagsasanay sa Seoul, Korea nang halos isang buwan bago ang naturang quadrennial meet.

Sumipa rin ang mga jins sa iba’t ibang torneo na pi­nondohan ng PSC at kabilang na rito ang mga kompetisyon sa Uzbekistan at Korea Open.

 

Show comments