Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
1:30 p.m. FEU vs DLSU (women’s stepladder semis KO)
4 p.m. FEU vs DLSU (men’s Final Four)
MANILA, Philippines - Pipilitin ng Tamaraws na angkinin ang unang tiket sa Finals ng 77th UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bitbit ‘twice-to-beat’ advantage, lalabanan ng No. 2 Far Eastern University ang No. 3 at nagdedepensang De La Salle University ngayong alas-4 ng hapon.
Sa unang laro sa ala-1:30 ay paglalabanan ng No. 3 Lady Tamaraws at ng No. 2 Lady Archers ang ikalawang silya sa Finals ng women’s basketball competition.
Tinalo ng Lady Tamaraws ang Lady Archers, 61-56, noong Huwebes.
Hangad ng FEU na muling makapaglaro sa UAAP Finals matapos noong 2011 kasabay ng pagpigil sa layunin ng La Salle na ‘back-to-back’ championship trophy.
Sa kanilang playoff game para sa No. 2 berth ay tinalo ng Tamaraws ang Green Archers, 65-60, noong nakaraang Linggo.
Ngunit hindi ito dapat ipagdiwang ng FEU, ayon kay head coach Nash Racela.
“We haven’t achieved anything yet,” wika ni Racela. “That’s why I had to talk to the players after the game just to remind them not to celebrate too much. Malayo pa.”
Sina star guard Mike Tolomia, Mark Belo, Roger Pogoy, Carl Bryan Cruz, Alejandrino Inigo at Raymar Jose ang muling sasandigan ng Tamaraws kontra kina Jeron Teng, Arnold Von Opstal, Almond Vosotros, Jason Perkins, Norbert Torres at Kib Montalbo ng Green Archers.
Ang La Salle ang sumibak sa FEU noong 2012 at 2013.
Sa Season 75 ay tinalo ng Green Archers ang Tamaraws para sa No. 4 seat sa Final Four at sa Season 76 ay giniba ng una ang huli sa semifinals.
Sa kanilang kabiguan sa playoff noong nakaraang Linggo ay umiskor si Teng, pumarada sa Bench fashion show isang gabi bago ang laro, ng 8 points, 8 rebounds at 7 turnovers.