MANILA, Philippines - Binuksan nina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ang makasaysayang kampanya ng Pilipinas sa 2014 World Cup Of Pool sa Mountbatten Centre sa Portsmouth sa pamamagitan ng 7-5 panalo laban kina Alejandro Carvajal at Enrique Rojas ng Chile noong Martes.
Hindi binigo ng pambansang cue-artists ang malaking bilang ng mga Pinoy na nanood sa panimulang laban para umabante sa second round kalaban sina Stephan Cohen at Alex Montpelier ng France na pinagbakasyon na sina Fabio Petroni at Daniele Corrieri ng Italy, 7-4.
Ang second round ay nakatakdang isargo ngayong gabi.
May 32 koponan mula sa 31 bansa ang kasali sa kompetisyon at sina Orcollo at Corteza ay magtatangka na maging kauna-unahang tambalan na nakapagdepensa ng titulo sa torneong sinimulan noong 2006.
Lumayo na ang Pilipinas sa 5-2 pero kinailangan pa nina Orcollo at Corteza ang dry break ni Rojas sa 12th game para makuha ang panalo sa race-to-seven na tagisan.
Ipinanalangin ng dalawang pambato ng bansa na hindi mawawala ang suporta ng Filipino community lalo pa’t mabigat lahat ang mga kasali sa torneo.
Isa na sa nagpasiklab ay sina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland na binokya sina Jeong Young Hwa at Ha Minuk ng Korea, 7-0.
Ang iba pang nanalo ay ang Russia sa Japan, 7-6, Greece sa Indonesia, 7-6, at Austria sa Portugal, 7-2.