KITAKAMI CITY, Japan — Tinapos ni Danilo Fresnido ang kampanya ng Pilipinas sa 18th Asia Masters Athletics Championships matapos kunin ang gold medal sa javelin throw kasabay ang pagtatala ng bagong record.
Ipinoste ni Fresnido ang bagong Asian Masters record sa kanyang hagis na 60.48 metro sa kompetisyong para sa mga veteran athletes na 40-anyos.
Ito ang ikatlong gintong medalya ng bansa matapos ang pagrereyna ni Erlinda Lavandia sa javelin throw event para sa women’s 60-64 years old category
Si Emerson Obiena ang nagbigay ng ikalawang gold medal sa 45-year old men’s pole vault event.
Ang tatlong gintong medalya ang target ng delegasyong may kabuuang 22 atleta na suportado ng El Lobo Energy Drink, San Miguel Corporation, Petron, Sportscore, L-Time Studio, Soma, Accel , PCSO, PSC at POC.
Maliban sa tatlong ginto, kumuha rin ang koponan ng dalawang pilak at limang tansong medalya.
Ang dalawang silver medals ay mula kay Lavandia sa discus at hammer throws.
Ang huling dalawang bronze medals ay nanggaling kina Victorina Calma, Len Punelas, Salve Bayaban at Jeanette Obiena sa 4x100 Meters (W-40) at kina John Lozada, Julio Bayaban, Emerson Obiena at Edward Kho sa 4x400 Meters (M-40).