MANILA, Philippines - Palalakasin ng Arellano ang paghahabol sa ikalawang puwesto sa pagpuntirya ng playoff spot laban sa Letran sa 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa alas-2 ng hapon ang bakbakan at ang makukuhang ika-12 panalo ay sapat na para makatiyak na palaban ang Chiefs sa Final Four dahil puwede pang umabot ng hanggang 12 wins ang pahinga pero nasa ikalimang puwesto na Perpetual Help Altas (9-6).
Hindi naman ibibigay ng Knights nang basta-basta ang panalo dahil nasa ‘must-win’ sila para manatiling buhay ang tsansang makaalpas sa elimination round.
May 6-8 karta ang back-to-back finalist na Letran at dapat na ipanalo ang nalalabing apat na laro at manalangin na hindi lalampas ng 10 panalo ang dalawa sa mga koponan ng host Jose Rizal University, St. Benilde at Perpetual.
Ang Heavy Bombers at ang Blazers ang magsusukatan sa tampok na laro sa alas-4 at ang magwawagi ang magsosolo sa ikatlong puwesto.
Ang mamalasin ay mananatiling nasa unang apat na puwesto pero makakasalo na nila ang Perpetual sa 9-6 baraha.
May dalawang dikit na panalo ang Blazers na kanilang magagamit para bawian ang Heavy Bombers na nanaig, 69-61, sa una nilang pagkikita. (AT)