INCHEON, South Korea — Hindi naitago ni Filipina golfer Mia Legaspi ang kanyang pagkahilig sa K-Pop stars.
Inamin niyang nagbayad siya ng P11,000 para lamang mapanood ang kanyang paboritong Korean bands sa Manila kamakailan.
Pinanghinayangan din niya ang kabiguan niyang mapanood ang opening ceremonies kung saan binuksan ng mga K-Pop artists ang palabas para kay international star Psy.
“Sayang, I missed the opening ceremonies! I would have loved to see them perform,” sabi ni Legaspi sa pagdating ng Philippine golf team mula sa Manila.
Ang pagiging star-struck ni Legaspi sa mga K-Pop stars ay tapos na.
Babanderahan ng 15-anyos na golfer ang kampanya ng bansa katuwang sina Pauline del Rosario at Princess Superal.
“K-Pop rocks but our focus is on this event,” wika ni Legaspi.
Tatangkain ng koponan na maiuwi ang inaasam na gintong medalya sa Pilipinas.
“Mia is our bet for an individual gold medal, and the team is also a gold medal contender,” sabi ni Chief of Mission Ritchie Garcia ng Philippine Sports Commission.
Tumapos ang grupo sa ikatlo sa ilalim ng Korea at Japan sa nakaraang 2014 World Amateur Team Championships sa Japan.