MANILA, Philippines - Dahil puno na ang kanilang backcourt rotation ay nagdesisyon ang Elasto Painters na pakawalan si dating Letran guard Kevin Alas.
Nasangkot ang Rain or Shine sa isang three-team trade kasama ang Talk ‘N Text at NLEX.
Ibinigay ng Elasto Painters si Alas, isang Gilas cadet player, sa Tropang Texters kapalit ni 6-foot-6 forward Nino ‘KG’ Canaleta.
Sinabi ni head coach Yeng Guiao na hindi na niya mabibigyan ng playing time si Alas dahil wala na itong lugar sa kanilang backckourt rotation na kinabibilangan nina Paul Lee, Jeff Chan, Chris Tiu, Gabe Norwood, Ryan Araña, Jeric Teng, TY Tang at Jonathan Uyloan.
Si Lee ay pumirma ng isang two-year contract sa Rain or Shine bago sumama sa Gilas Pilipinas para kumampanya sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Dinala naman ng Elasto Painters si Canaleta sa Road Warriors para sa 2015 first round pick ng NLEX.
Maaaring makuha ng Asian Coating franchise sa 2015 PBA Rookie Draft ang sinuman kina UAAP Most Valuable Player Bobby Ray Parks, Jr., La Salle center Norbert Torres at Fil-Tongan Moala Tautuaa.
Sa binagong trade deals na inaprubahan ni PBA Commissioner Chito Salud noong Lunes ng gabi ay nakuha ng Tropang Texters si Jay Washington kapalit nina Noy Baclao, rookie Harold Arboleda at 2018 second round pick ng Globalport Batang Pier.
Si Arboleda ay ibinigay ng Globalport kasama ang kanilang 2016 at 2018 second round picks sa NLEX para mahugot si No. 4 overall pick Matt Rosser Ganuelas.
Dinala ng Batang Pier si Ganuelas sa Tropang Texters kapalit ng 2017 first round pick ng Talk 'N Text.
Maaaring i-trade ng Talk 'N Text ang sinuman kina Washington at Ganuelas dahil lampas na sila sa limit na limang active Fil-Foreign players sa bawat koponan.
Ang mga Fil-Ams ng TNT ay sina Jimmy Alapag, Kelly Williams, Ryan Reyes at Harvey Carey. (RC)