INCHEON, South Korea -- Impresibong binuksan ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya para sa tangkang gintong medalya nang malusutan ang India, 85-76, sa men’s basketball competition sa 17th Asian Games na ginaganap sa Hwaseong Sports Complex dito.
Sinandalan ng Gilas ang mainit na panimula sa pagpapasabog ng 16-0 run na tinampukan ng pagtirada ni Jeff Chan ng pitong puntos sa first half na naging tulay sa panalo ng Pinoy cagers sa Group E.
Ang panalo ay tumiyak sa tropa ni coach Chot Reyes ng puwesto sa quarterfinal round kung saan sunod nilang makakabangga ay ang Asian champion na Iran bukas.
Sa kabila ng panalo, aminado si Reyes na hindi siya nasiyahan sa takbo ng laro ng Gilas at sinabi nito na naging mahigpit ang labanan kung hindi lang dumaan sa tatlong sunod na laro ang India.
“I think if they were a lot fresher, if they didn’t play their fourth game in four days, it would have been a much difficult time for us,” wika ni Reyes sa inilaro ng Nationals. “We are happy to come out with the victory and hopefully, we could get better.”
Itinala ng Gilas ang kanilang pinakamalaking kalamangan sa 19 puntos, 43-62, may 4:29 sa oras sa third period kung saan nagsanib ng puwersa sina L.A. Tenorio at naturalized center Marcus Douthit.
Nagbanta ang India nang makalapit sa Gilas sa walong puntos, 84-76, matapos magpakawala ng magkakasunod na tres may 3:42 minuto sa laro.
Tumapos si Chan ng 14 puntos mula sa 4-of-10 shooting sa three-point area, habang 14 naman ang ginawa ni Douthit bukod pa sa 10 rebounds.
Bahagyang natigil ang laro sa huling segundo nang ang Indian player na si Singh Pratam ay nadulas at tumama ang ulo sa sahig at siya ay kinakailangang ilabas sa playing area na nasa stretcher.
Gilas Pilipinas 85 – Chan 14, Douthit 14, David 13, Fajardo 12, Aguilar 10, Tenorio 10, De Ocampo 4, Norwood 3, Lee 2, Dillinger 2, Alapag 1, Pingris 0.
India 76 – Amritpal 16, Amjyot 15, Joginder 13, Bhriguvanshi 13, Pratham 11, Brar 6, Pethani 2, Grewal 0,Pari 0, Mishra 0, Sivakumar 0, Yadwinder 0.
Quarterscores: 24-16; 50-37; 70-56; 85-76.