Donaire-Walters kasado na sa Okt. 18

MANILA, Philippines – Magkakasubukan ang dalawang WBA world featherweight champion na sina Nonito Donaire Jr. at Nicholas Walters, ayon sa Top Rank Promotions ni Bob Arum.

Kinumpirma ng Top Rank ang laban kung saan nakataya ang “super” na titulo ni Donaire at “regular” belt ni Walters.

Magtutuos ang dalawa sa Oktubre 18 sa StubHub Center sa Carson, California na pagagandahin pa ng bakbakang Gennady Golovkin at Marco Antonio Rubio para sa middleweight class.

"I am very excited for this fight. We are doing everything we can to be ready for everything Walters brings on Oct. 18," wika ni Donaire.

Nasungkit ni Donaire ang titulo nitong Mayo 31 matapos manaig kontra kay Simiwe Vetyeka sa isang technical decision sa fifth round, habang nadepensahan ni Walters ang kanyang titulo laban kay Vic Darchinyan.

Naniniwala si Walters (24-0, may 20 knockouts) na ang laban niya kay Donaire ang susi sa kanyang pagsikat.

“This is my dream fight. It's now the time to show everyone who is the best 126-pound world champion in the entire world.”

Show comments