Huwag lang sila harangin ng bagyong si ‘Mario’ ay nakatakdang umalis ng bansa kahapon ang Gilas Pilipinas patungo sa Incheon, South Korea.
Doon ginaganap ang 17th Asian Games kung saan aasintahin ng Gilas Pilipinas ang medalyang ginto.
Marami sa atin ay hindi pa ipinapanganak nang huling mapanalunan ng Pilipinas ang ginto sa basketball ng Asian Games noong 1962.
Namuntikan natin ito makuha nu’ng 1990 pero silver medal lang ang ating nakamit gamit ang basketball team na pinangunahan ni coach Sonny Jaworski.
Ang huling medalya natin, ang bronze medal, ay nakamit noong 1998.
Pero mataas ang expectations ngayon para sa Gilas Pilipinas.
Para sa ating basketball officials, ito na siguro ang pinakamalakas na team na nabuo ng bansa natin.
Hindi man pinayagang makalaro si Andray Blatche ay nabigyan naman ng go-signal si Marcus Douthit.
Oo, magaling si Blatche, at kung napayagan lang siya ay talagang marami siyang pahihirapan sa Incheon Asiad.
Kahit ang mga higante ng Iran, China at Korea ay makakatikim sa NBA veteran na ito.
Malungkot nga lang at hindi siya pumasa sa mga qualifications ng Asian Games.
Kaya mabuti na lang at on standby si Douthit bilang kapalit niya.
May tiwala naman ako kay Douthit dahil siya rin naman ang nagdala sa Gilas sa FIBA World Cup sa Spain.
Si Douthit ang naglaro sa Gilas nang magtapos itong runner-up sa Iran sa FIBA Asia noong 2013.
Ang takot ko lang kay Douthit ay ang tendency niya ma-injure.
May iniinda na rin na injury si Douthit at huwag naman sana ito sumpungin sa Incheon.
Kung magiging healthy siya sa kabuuan ng tournament ay maganda ang ating pag-asa.
Pumasok lang muna sa semis ang Gilas.
At maaaring magtagpu-tagpo sila dun ng Iran, China at Korea.
Pagdating naman sa semis, bahala na si ‘Batman’.