Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. La Salle vs FEU
(playoff sa No. 2)
MANILA, Philippines - Pinigilan ng Bulldogs ang malakas na pagbabalik ng Red Warriors sa final canto para sagpangin ang No. 4 berth sa Final Four.
Nagsalpak si import Alfred Aroga ng dalawang krusyal na free throws sa huling 12 segundo para tulungan ang National University sa 51-49 paglusot sa University of the East sa kanilang playoff game sa 77th UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa pag-angkin sa No. 4 ticket ay lalabanan ng NU ang No. 1 Ateneo De Manila University sa Final Four sa Miyerkules.
Ang No. 1 at No. 2 teams ang hahawak ng ‘twice-to-beat’ advantage kontra sa No. 4 at No. 3 squads, ayon sa pagkakasunod, sa semifinal round.
Nakatakdang pag-agawan ng nagdedepensang De La Salle University at Far Eastern University ang No. 2 spot sa kanilang playoff game ngayong alas-4 ng hapon.
Matapos isalpak ng 6-foot-7 na si Aroga ang kanyang dalawang free throws para sa 51-49 abante ng Bulldogs mula sa foul ni Sierra Leona import Charles Mammie ay tumawag ng timeout si coach Derrick Pumaren para sa Red Warriors.
Pinasahan ni playmaker Roi Sumang si Bong Galanza ngunit naimintis nito ang kanyang tangkang three-point shot na tumapos sa kanilang five-game winning streak at pag-asa sa No. 4 seat.
Ito ang pangatlong sunod na season na nakapasok ang NU sa Final Four sa ilalim ni mentor Eric Altamirano.
“For Alfred to make those two free throws, that was big for us,” sabi ni Altamirano kay Aroga.
Nauna nang binuksan ng Red Warriors ang laro mula sa 9-0 abante bago naagaw ng Bulldogs ang first period, 15-14 patungo sa pagpoposte ng isang nine-point lead, 40-31, sa 8:57 ng fourth quarter buhat sa dalawang charities ni guard Angelo Alolino.
Nagbida si Sumang para ilapit ang UE sa 48-49 agwat sa huling 1:16 minuto ng laro hanggang magsalpak si Aroga ng dalawang free throws sa natitirang 12 segundo para sa panalo ng NU.
NU 51 – Khobuntin 12, Rosario 9, Alolino 7, Aroga 7, Javelona 6, Betayene 4, Alejandro 3, Perez 2, Diputado 1, Celda 0, Neypes 0.
UE 49 – Sumang 19, Galanza 9, Mammie 8, Javier 5, Varilla 5, Arafat 2, Guiang 1, Alberto 0, de Leon 0, Jumao-as 0, Olayon 0, Palma 0.
Quarterscores: 15-14; 26-21; 38-31; 51-49.