124 atleta ipapadala sa Ironman

MANILA, Philippines - Magpapadala ang Pi­lipinas ng 124 triathletes pa­ra sumali sa Ironman Langkawi sa Setyembre 27 sa Langkawi, Malaysia.

Ito na ang pinakamara­ming bilang ng triathletes na lalahok sa isang Ironman sa labas ng bansa at patunay ito na marami na ang sumusubok sa mapanghamong endurance sport na katatampukan ng 3.8-km swim, 180-km bike at 42.2-km run.

“Ironman Langkawi is the third toughest Ironman race in the world and the participation of a huge Philippine contingent shows that a lot of local triathletes are looking at leveling up their performance,” wika ni triathlete at national Pa­ra­triathlon head coach Vince Gar­cia sa pulong pambalitaan kahapon sa Skippy’s Bar and Grill sa Bonifacio Global City.

Ang delegasyon na mag­mumula sa iba’t ibang triathlon clubs sa bansa ay suportado rin ng Sunrise Events, Inc. (SEI) na siyang franchise holder ng Ironman sa Pilipinas.

Ang dating pinakama­laking bilang ng delegasyon mula sa Pilipinas ay nasa 90 sa isinagawang Asia Pa­cific Championship sa Mel­bourne, Australia noong  Marso.

Malaki ang interes sa kom­­petisyon dahil malapit lamang ang Malaysia sa Pilipinas at hindi manga­nga­ilangan ng malaking gas­tusin sa pamasahe.

Ang kompetisyon ay qualifying race para sa 2015 Ironman World Championship.

 

Show comments