MINNEAPOLIS -- Pinapirma ng Minnesota Timberwolves si second-round draft pick Glenn Robinson III.
Ito ang inihayag ng Timberwolves halos dalawang linggo bago simulan ang kanilang training camp.
Si Robinson ang 40th overall pick draft mula sa Michigan ngunit hindi siya kaagad nakatiyak ng roster spot dahil nagsagawa ng pagbalasa sa kanilang line-up ang Timberwolves matapos dalhin si Kevin Love sa Cleveland Cavaliers para sa isang trade.
Sa pagkuha kay Robinson, ang Timberwolves ay mayroon ngayong 16 players sa kanilang koponan na may kontrata at sobra ng isa sa pinapayagang bilang ng liga.
Posibleng bitawan ng Minnesota si veteran point guard J.J. Barea, nasa huling taon sa kanyang kontrata.
Sinubukan ng Timberwolves na mahanapan ng trade si Barea ngunit walang kumagat dito.
Maaari silang makipag-usap kay Barea para sa isang buyout.
Sa Houston, kinuha naman ng Houston Rockets si veteran guard Jason Terry at ang draft picks mula sa Sacramento Kings bilang kapalit nina Alonzo Gee at Scotty Hopson.
Bukod kay Terry, mahuhugot din ng Rockets ang second-round pick ng Kings sa 2015 kung makakapili sila mula sa No. 31 hanggang No. 49.
Makukuha rin ng Houston ang unprotected second-round pick ng New York sa 2016 draft.
Si Terry ay ikalawa lamang sa mga active players na may 1,950 3-pointers.
Sinimulan ng 15-year veteran shooting guard ang nakaraang season sa Brooklyn bago siya na-trade sa Sacramento.
Sina Gee, isang forward, at Hopson, isang guard, ay naglaro sa Houston sa offseason via three-team trade sangkot ang Washington at New Orleans na nagdala kay Trevor Ariza sa Rockets.