MANILA, Philippines - Paiigtingin ng College of St. Benilde Blazers at Jose Rizal University Heavy Bombers ang planong pumasok sa Final Four sa 90th NCAA men’s basketball tournament sa pag-asinta ng panalo sa magkahiwalay na katunggali ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Parehong may 9-5 karta ang Blazers at ang Heavy Bombers at ang makukuhang panalo ay maglalayo sa kanila sa dalawang laro sa naghahabol pang Perpetual Help Altas na nasa ika-limang puwesto sa 8-6 baraha.
Ang St. Benilde ay makikipagtagisan sa Letran Knights sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng banggaan ng JRU at San Sebastian Stags sa alas-4 ng hapon.
Nasa ikaanim na puwesto ang back-to-back finalist na Letran sa 6-8 karta at kailangan nilang manalo para maging palaban para sa puwesto sa semifinals.
Kung parehong mananalo ang tropa nina coach Gabby Velasco at coach Vergel Meneses ay tuluyan nang mamamaalam ang Letran at ang pahingang Lyceum Pirates (6-9).
Nanalo ang Blazers sa Knights sa unang pagtutuos, 85-71, pero nakikita ni Velasco na palaban ang katunggali dahil sa kinalulugarang puwesto.
“We expect a tough games with Letran needing this win to keep their hopes for a Final Four seat alive. We have to work hard and show our determination,” wika ni Velasco.
Sina Paolo Taha, Mark Romero at Jonathan Grey ang mga magdadala sa Blazers kontra kina Mark Cruz, Kevin Racal at Rey Nambatac.
Nais din ng Heavy Bombers na maipaghiganti ang kanilang 81-88 pagkatalo sa Stags na nangyari noon pang Hulyo 2.
Ito ang huling panalo na nailista ng Stags bago magtala ng 10-sunod na pagkatalo upang mamaalam na sa liga sa kanilang 3-11 baraha.
Dahil dito ay dapat na makitaan ng galing at pagpupursigeng manalo ang Jose Rizal sa kabuuan ng laro dahil determinado ang San Sebastian na magkaroon ng disenteng pagtatapos sa torneo.