Mayweather takot kay Pacquiao dahil kaliwete

MANILA, Philippines – Ilang beses nang ibi-nun­yag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na may nangyayaring pag-uusap hinggil sa mega showdown nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa susunod na taon.

Kasunod nito ay ang pahayag ni Mayweather na hindi ito totoo.

Kahapon ay sinabi ni Arum na alam niyang hindi papayag ang 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs) na labanan ang 35-anyos na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs).

Ito ay dahil kaliwete (southpaw) si Pacquiao.

“I promoted the guy for ten years and I know how difficult it was to get him in the ring with any southpaw,” wika ni Arum kay Mayweather, noong linggo ay muling tinalo si Argentinian challenger Marcus Maidana.

Matapos talunin si Maidana ay sinabi ni Mayweather na siya lamang ang masusunod kung kailan niya gustong labanan si Pacquiao.

“When you talk about a southpaw who can move like Manny, that’s not the kid of opponent that Mayweather feels he would do well against. That’s the problem,” sabi ni Arum.

Maski si Pacquiao ay hindi naniniwala sa paha­yag ni Mayweather na gusto na siyang labanan nito.

“Puro salita lang,” wika ni Pacquiao sa pana­yam ng ABS-CBN News SOKSARGEN hinggil sa naunang pahayag ni Mayweather.

“Kailangan gawin niya. Huwag puro salita. Mara­ming dahilan eh,” dagdag pa ng Filipino world eight-division champion.

Tatlong beses bumagsak ang negosasyon para sa kanilang super-fight mula sa pagsailalim sa Olympic style random blood at drug testing hanggang sa hatian sa premyo.

Itataya ni Pacquiao ang kanyang World Boxing Organiztion (WBO) welterweight crown laban kay American challenger Chris Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Show comments