MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang Cagayan Valley Rising Suns na mapalakas ang kanilang puwersa para sa pagbubukas ng PBA D-League sa gagawing 2014 Rookie Draft ngayong hapon sa Libis, Quezon City.
May 153 bagong mukha ang puwedeng pagpilian ng Cagayan bilang number one pick na siya nilang sasandalan para baguhin ang kinalugarang puwesto noong nakaraang season.
Nakuha ng Rising Suns ang number one pick matapos ang pang-anim na puwestong pagtatapos sa Aspirants’ Cup at sa mas masamang 10th place sa Foundation’s Cup.
Maraming mahuhusay ang nagpatala sa draft pero ipinalalagay na ang 6’7 Fil-Tongan center na si Moala Tuatuaa ang siyang kukunin ni Cagayan coach Alvin Pua para mapalakas ang gitna.
Si Tuatuaa na hindi napili sa NBA noong 2012 Draft, ay naglalaro ngayon sa ASEAN Basketball League sa koponan ng Westport Malaysia Dragons na hawak ni Filipino coach Ariel Vanguardia.
Naghahatid si Tuatuaa ng 11.08 puntos, 6.46 rebounds at 1.31 assists para sa Dragons na nasa ikalawang puwesto sa standings sa 9-4 karta.
Sunod na pipili ay ang Tanduay Light (dating Boracay Rhum), bago sundan ng Café France, Cebuana Lhuillier, Jumbo Plastic, MJM M-Builders at Wangs Basketball.
Ang mga bagong koponan na AMA University, Bread Story, Hapee Toothpaste, MP Hotel at Racal Motorsales Corp, ay dadaan sa lottery bago magsimula ang drafting para malaman kung kailan pipili.
Bagong kampeon ang lalabas sa liga dahil hindi na kasali ang multi-titled NLEX Road Warriors at one-conference titlist Blackwater Sports matapos umakyat na sa PBA.