MANILA, Philippines - Isinantabi ni Marcus Douthit ang pangamba na wala siya sa magandang kondisyon para pangunahan ang laban ng Pambansang koponan sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Sa halip, tiniyak ng 6’10 orihinal na naturalized player ng Gilas Pilipinas na nasa maganda ang kanyang pangangatawan dahil hindi naman siya nawala sa ensayo kahit si Andray Blatche ang pinaglaro sa FIBA World Cup sa Spain.
“I’ve been doing what’s everybody’s doing. I’m in shape,” wika ni Douthit.
Tinapik ang dating NBA player para sa Incheon Games matapos hindi payagan ng OCA at IAGOC si Blatche dahil hindi nito naabot ang three-year residency para makapag-laro bilang naturalized player.
Ipinakita rin ni Douthit ang pagnanais na tulungan pa ang Pilipinas nang pumirma ng isang taong extension para makasama pa sa 2015.
Mahalaga ang papasok na taon sa Philippine basketball dahil gagawin dito ang FIBA Asia Men’s Championship na isang qualifying event para sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Ang China ang host ng kompetisyon at ang tatanghaling kampeon ang siyang magiging kinatawan ng Asia sa Olympics na nakakalendaryo mula Agosto 6 hanggang 21.
Sa pagpirma uli ni Douthit, makakatiyak ang Pilipinas na may dalawa pa ring naturalized player kasama si Blatche.
Bukod sa FIBA Asia ay gagawin din sa 2015 ang SEA Games sa Singapore at posibilidad pa ang pagsali sa Jones Cup.