Gomez bumigay kay Hohmann, kampeon sa MP Cup 10-Ball tourney

MANILA, Philippines - Naisuko ni Roberto “Superman” Gomez ang li­mang racks na kalama­ngan para matalo kay Thorsten “The Hitman” Hohmann ng Germany, 12-13,  sa MP Cup GenSan Tuna Festival International Open 10-Ball Tournament singles na pinaglabanan kamakailan sa General Santos City.

Nagtabla ang dalawa sa 4-4 bago rumatsada si Gomez ng panalo sa walo sa sumunod na 11 racks upang umabot sa hill.

Pero nanlamig si Gomez at natalo sa race-to-13 alternate break format kompetisyon na inorganisa ng Pambansang kamao na si Manny Pacquiao.

Ang panalo ni Hoh­mann ang kumumpleto sa pag-bangon mula sa one-loss side matapos masilat ni Lauro Bongay.

Umabot sa 92 players ang naglaro at nalaglag si Hohmann nang natalo kay Romeo Silvano, 11-8.

Bumangon siya sa one-loss bracket para samahan sina Gomez,  Silvano at Dennis Orcollo.

Galing sa loser’s side rin si Gomez habang hindi natalo sa elims sina Silvano at Orcollo.

Pero lumutang ang ga­ling nina Gomez at Hohmann sa knockout semis at tinalo ng una si Orcollo, 11-9, habang umani ng 11-8  tagumpay ang huli kay Silvano. (AT)

Show comments