MANILA, Philippines – Pagkakataong makalaro uli sa Pambansang koponan ang magtutulak kay Tina Salak para isantabi ang planong pagreretiro sa aktibong paglalaro sa volleyball.
Si Salak ay isa sa 56 lady volleybelles na tinawag para sa dalawang araw na tryouts na isinasagawa ng Philippine Volleyball Federation (PVF) at suportado ng PLDT Home FiBR para makabuo ng malakas na Pambansang koponan para sa 2015 SEA Games.
“Retiring soon pero kinausap ako ng PVF at PLDT, that they needed my help. So sabi ko, blessing uli ito na makatulong sa National team. Tatapusin ko lang dapat ang mga commitments ko this year pero kung mako-commit ako sa National team, hanggang next year pa ako,” ani ng 37-anyos, 5’11 na si Salak.
Noong 1993 unang nasama si Salak sa Youth team at sa taon ding ito huling nanalo ng ginto ang women’s team sa SEAG sa pamumuno ni Thelma Barina-Roxas.
“Noong 1995 SEAG ay nakasama na ako sa women’s team at nag-silver kami. Ako na lamang ang bridge sa team nina Mama Thelma at ngayong kasama ko ang mga bata, gusto kong ma-experience nila ang na-experience ko while serving the country,” banggit pa ng manlalaro na kinilala rin bilang Best Setter noong 2003 SEA Games.
Tinokahan para hawakan ang National team ang many-time UAAP champion na si Ramil de Jesus at hindi siya kukulangin sa materyales dahil ang mga tinitingala sa sport tulad nina Dindin at Jaja Santiago, Mika Reyes, Mary Jean Balse, Jovelyn Gonzaga, Sue Roces, Jen Reyes, Aby Marano ang mga dumalo sa unang araw ng tryouts noong Lunes ng gabi.
Hanap ng bubuuing koponan ang makabalik sa SEAG matapos mawala sa huling tatlong edisyon. (AT)