Warizal, Dela Rosa wagi sa Puerto Princesa leg ng MILO
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Philippines – Binanderahan nina four-time winner Norlan Warizal at ang nagbabalik na si Jila Dela Rosa ang labanan sa 21-kilometer event sa Puerto Princesa leg ng 38th National MILO Marathon Qualifying Race kahapon dito.
Nagposte ang 29-anyos na si Warizal ng bilis na 01:19:13 para iwanan sina Ben Alejandrino (01:21:26) at Nicko Cortes (01:22:42).
“Dalawang buwan lang ako nag-training dahil sa trabaho ko,” sabi ni Warizal, isang logistics helper na nagdedeliber ng mga produkto ng Nestle sa Puerto Princesa.
Ang oras na 01:39:24 naman ang isinumite ng 20-anyos na si Dela Rosa para talunin sina Bernardita Mag-aso (01:47:56) at Michelle Anne Tibagacay (01:51:37).
Kapwa tumanggap sina Warizal at Dela Rosa ng premyong P10,000 dahil sa kanilang mga panalo.
Sina Warizal at Dela Rosa, kasama ang 19 pang runners, ay nakakuha ng tiket para sa National Finals na nakatakda sa Disyembre 7 sa Manila.
Ang tatanghaling MILO Marathon King at Queen ang ipapadala sa Japan para sa 2015 Tokyo Marathon.
- Latest