MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang pagpapanalo ng nagdedepensang kampeon CEU, St. Clare College of Caloocan at Our Lady of Fatima University para manatili sa unang tatlong puwesto sa 14th NAASCU basketball kahapon sa Makati Coliseum.
Lumawig sa 9-0 ang karta ng Scorpions nang durugin ang baguhang koponan na Diliman Computer Technology Institute, 60-40, at sina Joseph Sedurifa at Samboy de Leon ay may 14 at 10 puntos para pangunahan ang koponan.
May eight-game winning streak na rin ang Saints sa 76-68 panalo sa Rizal Technological University upang manatili sa ikalawang puwesto sa 8-1 kabuuang karta.
Si Jayson Ibay ang nanguna sa Saints sa kanyang 22 puntos at 15 rito ay ginawa sa huling yugto para hindi pahintulungan ang pagbangon ng Thunder mula sa 41-26 bentahe sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Sinandalan naman ng OLFU Phoenix ang tibay sa free throw line para iangat ang karta sa 7-2 baraha sa 87-80 panalo sa City University of Pasay Eagles.
Naglaho ang 17 puntos kalamangan at nakitang dumikit ang Eagles sa tatlo, 75-72, sina JJ Mallari at Joseph Marquez ay kumunekta sa kanilang charity shots para palamigin ang pagbangon ng katunggali.