Pakitang Gilas

Muntik na akong mahulog sa aking upuan nang ha­los talunin ng Gilas Pilipinas ang Argentina sa FIBA World Cup nung isang gabi.

Mula simula hanggang katapusan ay dikit ang laban. Lumamang tayo ng 10 points sa una at lumamang din ang Argentina ng malaki sa simula ng fourth quarter.

Pero idinikit ng Gilas ang score nang magpakawala si Jimmy Alapag ng malalayong three-point shots.

Halos ayaw siya dikitan dahil ang layo niya pero bini­tawan niya ang bola at ilang beses ay puro swak ang tira. Nagugulat na lang ang mga kalaban.

Nataranta rin ang Argentina dahil hanggang sa hu­ling segundo ay may tsansang manalo ang Gilas.

Minalas lang at natawagan ng travelling violation si Jason Castro sa huli niyang attempt. Natapos ang laro sa 85-81.

Maraming napasayang fans ang Gilas kahit na tatlong sunod na ang kanilang talo sa Croatia, Greece at Argentina.

Unang-una, wala namang umasa na magiging dikit ang mga laro nila sa Spain. Ang biruan pa nga ay kung ganun  kalaki ang ilalamang sa kanila ng mga kalaban.

Hindi pala ganun ang mangyayari.

Sa katunayan, pwede nilang naipanalo ang mga laro laban sa Croatia at Argentina.

May dalawang laro pa ang Gilas laban sa Puerto Rico at Senegal.

May kahinaan ang Puerto Rico itong taon na ito at may pag-asa ang Gilas dito.

Mamayang gabi ang laro at bukas ng gabi naman ang Senegal.

Kung maipanalo pareho aabot tayo sa second round. Kung hindi naman ay mahuhulog na tayo sa classification matches para sa final ranking.

Sa akin, kahit anong mangyari sa mga susunod na laro ay masarap balikan ang laban kontra Argentina.

Parang pelikula talaga na may script.

Nagkulang lang sa perfect ending.

Show comments