Tolomia pinahanga si Racela sa pagsalba sa FEU vs La Salle
MANILA, Philippines - Nagkaroon ng lagnat si Mike Tolomia bago labanan ng Far Eastern University ang nagdedepensang De La Salle University noong nakaraang Miyerkules.
Sa kabila nito, natulungan pa rin ng 5-foot-11 guard ang Tamaraws para kunin ang 74-70 panalo at wakasan ang seven-game winning streak ng Green Archers sa pag-angkin sa No. 1 spot sa 77th UAAP men’s basketball tournament.
“Nakalabas siya ng hospital ng Tuesday at hinabol niya ‘yung practice namin. Hindi ko rin alam what to expect from him,” sabi ni FEU coach Nash Racela kay Tolomia.
Kumamada si Tolomia ng 22 points, tampok dito ang kanyang putback na nag-angat sa FEU sa La Salle sa huling 5.9 segundo.
Nagdagdag siya ng 5 rebounds at 3 assists.
Matapos ang tatlong araw sa 75-69 panalo ng Tamaraws sa University of the Philippines Maroons ay umiskor si Tolomia ng 19 points.
Sa nasabing mga pagbibida ni Tolomia ay hinirang siyang UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/3XVI Player of the Week .
Tinalo ni Tolomia sina Kiefer Ravena ng Ateneo, University of the East import Charles Mammie at Jason Perkins ng La Salle para sa weekly honor na suportado ng Bactigel Hand Sanitizer, Mighty Mom Dishwashing at Dr. J Rubbing Alcohol.
“I think nagagawa ko nang mas ma-involve yung teammates ko. Hopefully, magtuluy-tuloy,” wika ni Tolomia.
- Latest