Puro na sa Lady troopers
MANILA, Philippines - Gumawa uli ng record sa Shakey’s V-League ang Cagayan Valley Lady Rising Suns pero di tulad noong nakaraang taon, ang marka ay hindi nila puwedeng ipagmalaki.
Pinahintulutan lamang ng Army Lady Troopers ang nagdedepensang kampeon sa limang puntos sa fourth set para pagningningin ang 25-19, 18-25, 25-18, 25-5, panalo sa pagsisimula kagabi ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference Finals sa The Arena sa San Juan City.
Ang limang puntos ang pinakamababang naiskor sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s at hindi inasahan na sa Cagayan makakarga ito matapos gumawa ng kahanga-hangang 16-0 sweep noong nakaraang taon.
Si Jovelyn Gonzaga ay mayroong 13 kills at 6 blocks tungo sa 19 puntos bukod sa 19 digs habang ang MVP ng torneo na si Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse at Nerissa Bautista ay naghatid ng 13, 12 at 10 puntos.
Ang batikang setter na si Tina Salak ay may 47 excellent sets bukod sa walong puntos para dalhin ang koponan sa mahalagang 1-0 lead sa best-of-three championship series.
“Noong natalo kami sa second set, sinabi ko sa kanila na hindi kami puwedeng mag-relax. Andito na kami kaya dapat wala kaming iisipin na iba kung ang maipanalo ang larong ito,” wika ni Salak kung bakit muling umangat ang laro ng 2011 champion.
Nawala naman ang momentum sa Lady Rising Suns dahil hindi natapatan ang agresibong paglalaro ng katunggali.
Si Aiza Maizo at Rosemarie Vargas ay may 12 at 10 puntos pero ang ibang inasahan ay nalimitahan sa single-digit output para mangailangan ngayon ang Cagayan na maipanalo ang sunod na dalawang laro upang mapanatiling suot ang kampeonato sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Nakuha naman ng Philippine Air Force Air Spikers ang kanilang laro sa pagtungtung ng second set para angkinin ang 16-25, 25-23,25-19,25-12, panalo sa PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa tagisan para sa ikatlong puwesto.
May 19 puntos, tampok ang 15 kills, si Maika Ortiz para ilapit ang koponan sa ikatlong puwesto.
- Latest