MANILA, Philippines - Bagama’t nabigo sa qualifying jump na idinaos sa Philsports Arena sa Pasig City, napasama pa rin si jumper Marestella Torres sa delegasyong sasabak sa 2014 Asian Games sa Incheon, Korea na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Binigyan si Torres ng basbas ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Asiad task force mula sa kanyang nilundag na 6.45 meters para makuha ang gold medal sa nakaraang Singapore Open.
Nagbabalik ang two-time Olympian sa national team matapos manganak.
Nauna nang naglatag ang task force ng qualifying jump na 6.37m na nabigong maabot ni Torres.
Sinabi ng 33-anyos na dating Asian champion na patutunayan niya sa kanyang mga kritiko na kaya pa niyang magbigay ng karangalan sa bansa sa Asian Games.
Pumamg-apat si Torres noong 2010 Asian Games sa Guangzhou, China kung saan siya nagtala ng 6.49m sa una niyang lundag kasunod ang mga fouls sa sumunod niyang tangka.
Si Korean Jung Soon-ok ay naglista ng 6.53m para kunin ang gold medal.
Ipinaglaban ni Philippine Amateur Track and Field Association president Philip Ella Juico ang pagsasama sa veteran internationalist sa koponang ilalahok sa Incheon Asiad.