IAGOC may kuwestiyon kay Blatche
MANILA, Philippines - Ginagawa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang mga hakbang para matugunan ng malinaw ang klaripikasyon na ginagawa ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) kay naturalized center Andray Blatche.
Sa text message na ipinadala ni SBP executive director Sonny Barrios kahapon, sinabi niya na kahit siya ay nasa Spain ngayon para suportahan ang Gilas Pilipinas na kakampanya sa FIBA World Cup ay patuloy ang pakikipag-ugnayan niya sa mga naiwang SBP officials sa Manila para hindi malagay sa alanganin ang hangarin ng bansa na mapaglaro si Blatche.
“POC asked SBP to submit position paper. We’re conferring with POC and that is what we have so far. We can’t release ahead to media what we need to submit to the POC, asking for your kind understanding,” wika ni Barrios.
Nagpadala ng liham ang IAGOC sa POC para hingian pa ng dagdag na pruweba hinggil sa residency ni Blatche.
Si Blatche ang ikalawang naturalized player ng Gilas kasunod ni Marcus Douthit at nangyari ito nang lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang batas na nagbibigay ng Filipino citizenship sa 6’11 player noong Hunyo.
Kasama si Blatche ng Gilas sa FIBA World Cup at makakapaglaro siya dahil ang kompetisyon ay pinatatakbo ng international federation na FIBA.
Pero nalalagay pa sa alanganin ang pagsali ni Blatche sa Asian Games na bubuksan na sa Setyembre 19 dahil may batas ang namamahala ng palaro na Olympic Council of Asia (OCA) na dapat ay naninirahan na sa bansa ang indibidwal na ginawang naturalized player.
Naunang sinabi ni OCA Asian Games department Haider Farman na mahigpit na ipaiiral ang residency requirement sa palaro sa idinaos na Technical Delegates Joint Meeting.
Hanap ng Pilipinas na mapantayan kundi man ay mahigitan ang pilak na hinablot sa FIBA Asia Men’s Championship noong 2013 sa Manila. (ATan)
- Latest