MANILA, Philippines - Sa pananatili ng kanilang four-peat winning lineup, kumpiyansa si San Mig Coffee coach Tim Cone na patuloy silang mangingibabaw para sa darating na PBA Season 40 kahit walang baguhin sa kanyang koponan.
“Winning the grand slam is not the end for us. We’re ready to win more,” wika ni Cone sa kanyang speech matapos tanggapin ang Baby Dalupan Trophy bilang Coach of the Year awardee sa 2014 PBA Press Corps Awards Night sa Richmonde Hotel sa Eastwood City, Libis, Quezon City noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Cone, hindi nila gagalawin ang kanilang lineup kahit hawak nila ang No. 7 pick sa 2014 Gatorade PBA Rookie Draft bukas sa Robinson’s Place Manila.
Sinabi ni Rene Pardo, ang kinatawan ng San Mig Coffee sa PBA board of governors, na handa silang ipagpalit ang kanilang draft rights para sa future picks.
“I feel six draft hopefuls can make immediate impact in the PBA,” wika ni Cone tungkol kina Stanley Pringle, Matt Ganuelas, Chris Banchero, Kevin Alas, Ronald Pascual at Jake Pascual.
Ngunit aminado ang three-time Coach of the Year winner na makukuha pa ng Mixers ang ikaanim pagsapit ng kanilang draft pick.
At kumpiyansa pa rin si Cone na magiging matagumpay ang darating nilang PBA season.
Lumagda si Mark Barroca ng isang three-year contract-extension deal, habang pinaplantsa na ang mga bagong kontrata nina Joe Devance at Rafi Reavis.
Samantala, pinuri naman ni SMC president Ramon S. Ang, ang Executive of the Year awardee, si Cone sa pagbibigay sa San Mig Coffee ng four-peat.
“He’s the best coach I’ve known,” wika ni Ang.