Batang Gilas dapa sa Korea

MANILA, Philippines - Nabigo ang National U-18 basketball team na kunin ang pangunguna sa Group B sa FIBA Asia U-18 Championship nang natalo sa Korea, 87-69, kahapon na ginawa sa Al-Gharafa sa Doha, Qatar.

Nakalamang lang ang Batang Gilas sa kaagahan ng unang yugto sa 10-4 sa buslo ni Mark Anthony Dyke pero sina Kim Kyungwon, Hyeok Joon Kwon at Junh Yeong Byeon ay nagsanib sa 19-7 palitan para kunin ang 23-17 kalamangan.

Hindi na nakabangon pa ang Nationals dahil sa maraming errors at ang ka­walan ng magandang de­pensa  sa mga shooters ng Koreans.

Mga triples nina Kwon at Hyunwoo Jeon ang nagpasiklab sa pamatay na 11-2 palitan para itala ng Koreans ang pinakamala­king bentahe sa laro na 16 puntos, 76-60.

Sina Kim, Kwon at Kyochang Song ay naghatid ng tig-17 puntos para sa Korea na tinapos ang group elimination bitbit ang 2-0 karta.

Si Ranbill Tongco ay may 24 puntos sa 8-of-18 shooting kasama ang limang triples habang si Dyke ay may 10 puntos at 13 rebounds.

Nagkaroon din ng 23 turn­overs ang tropa ni coach Jamike Jarin sa ginawang 23 puntos pa ng Koreans.

Pumangalawa ang Pili­pinas sa 1-1 habang ang ikatlong koponan sa grupo na Jordan (0-2) ang makakasamang aabante sa second round.

 

Show comments