Algieri may bagong hamon kay Pacquiao
MANILA, Philippines - May bagong hamon ang ipinukol ni Chris Algieri sa Pambansang kamao na si Manny Pacquiao, na sumali ito sa Ice Bucket Challenge na patok ngayon sa social media.
Ang Ice Bucket Challenge ay ipinauso ni Pat Quinn ng New York para makalikom ng pondo na gagamitin para itustos sa pagpapaintindi sa Amyotrophic Lateral Sclerosis (ALS) o Lou Gehrig’s Disease.
Nasa 30,000 mamamayan ng US ang apektado na ng ALS na inaatake ang utak at spinal cord ng biktima para maging paralitiko na ito. Wala pang nalalamang gamot sa naturang sakit.
Ang mga tumanggap sa hamon ay binubuhusan ng nagyeyelong tubig at kabilang sa mga kilalang personalidad na gumawa nito ay sina Justin Timberlake, Jennifer Lopez, Oprah, Lebron James, Bill Gates at Marc Zuckerberg.
May $15 milyon na ang pondong nalikom at halos doble na ang pera kumpara noong nakaraang taon na nasa $8 milyon lamang.
Inilabas ni Algieri ang hamon kay Pacquiao bago siya binuhusan ng nagye-yelong tubig.
“I am not issuing a challenge to anybody else, the only person I am challenging is the person I am challenging on November 22nd, and that is Manny Pacquiao,” wika ni Algieri.
May 24 oras si Pacquiao para tugunan ang hamon sa pamamagitan ng video recorder. Kung hindi niya ito kagatin, mapipilitan siyang mag-donate ng halaga sa isang ALS charity na kanyang napipisil.
- Latest