MANILA, Philippines - Pinangunahan nina dating world champion Biboy Rivera at multi-titled Lara Posadas ang mga bowlers na umabante sa second round ng Bowling World Cup national championships.
Si Rivera ay gumawa ng 269 at 266 noong Sabado sa Coronado Lanes at makakasama niya ang 33 iba pa na maglalaro ng isa pang 12-game series bukas ng alas-10 ng umaga sa Paeng’s Midtown center.
Ang mga male bowlers ay naglaban sa 12 laro sa unang round at si Rivera ay nagtala ng 2615 pinfalls. Pumangalawa si Jay-Ar Tan sa 2564 habang sina Benshir Layoso (2510), Enzo Hernandez (2482) at Raoul Miranda (2466) ang kumumpleto sa unang limang puwesto.
Sampung laro ang sinuong ng mga kababaihan at si Posadas ay may 2186. Si Liza Clutario ay may 2080, si Liza del Rosario ay may 1979, si Christelle Peig ay may 1970 at si Krizziah Tabora ay may 1959.
Sa Miyerkules gagawin ang second round sa kababaihan at madedetermina rito ang walong bowlers na magiging palaban para sa stepladder finals.
Sa Agosto 22 sa SM North Edsa gagawin ang huling araw ng kompetisyon at ang kikilalaning national champions ang panlaban ng Pilipinas sa international finals sa Wroclaw, Poland mula Nobyembre 1 hanggang 9.